Sinabi ng dating presidente ng Philippine Medical Association (PMA) na dapat ikaalarma ang tumataas na kaso ng dengue sa bansa.
“Yes, dapat tayo na maalarma,” sabi ni Benito Atienza, dating PMA president sa ginanap na Laging Handa briefing nitong Lunes.
Inihayag ito ni Atienza nang matanong tungkol sa 45,416 dengue cases na naitala mula noong Enero 1 hanggang Hunyo 11 ngayong taon. Ang naturang bilang ay mas mataas ng 45% kumpara sa kaparehong panahon noong 2021.
Ayon kay Atienza, mas maraming tao ang namatay sa dengue kaysa COVID-19 sa Singapore.
“Kaya dapat po tayong mag-ingat ngayon… dapat po tayong mabahala kung ating mga anak o kahit po matanda, kahit nurse, kahit sino po, ay pwedeng magka-dengue sa panahon ngayon,” sabi niya.
“At saka lagi po natin tandaan na wala pong pinipili ang dengue sa edad kahit po six months lang, meron po kami ganon,” dagdag ni Atienza.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na mag-ingat laban sa water-borne diseases, influenza, at leptospirosis.
Una rito, pinayuhan ng Department of Health ang publiko na sundin ang "4S" strategy laban sa dengue na: Search and destroy breeding places, Secure self-protection, Seek early consultation, at Support fogging or spraying in hotspot areas.
239 patay sa dengue
Sa updated na datos mula sa DOH, sinabing 51,622 kaso na ng dengue ang naitala mula Enero 1 hanggang Hunyo 18.
Mas mataas na ito ng 58% kumpara sa kaparehong panahon noong 2021.
Kabilang sa mga lugar na may mataas na kaso ng dengue ang Central Luzon (13%), Central Visayas, (12%) at Zamboanga Peninsula (9%).
Mula Mayo 8 hanggang Hunyo 18, may naitalang 13,075 dengue cases, na karamihan ay nagmula sa Central Luzon, Central Visayas, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Sinabi rin ng DOH na 15 sa 17 rehiyon ang nalampasan na ang kanilang epidemic threshold sa nakalipas na apat na linggo.
Umabot naman sa 239 na pasyente ng dengue ang nasawi. Sa nasabing bilang 40 ay nangyari noong Enero, 37 noong Pebrero, 34 noong Marso, 47 noong Abril, 62 noong Mayo, at 19 noong Hunyo.--FRJ, GMA News