Arestado ang isang empleyado ng Pasig City Hall na sangkot umano sa robbery-extortion batay sa reklaro ng isang complainant.
Naaresto ang suspek sa isang entrapment operation na isinagawa ng mga pulis sa isang fast food chain sa bahagi ng Caruncho Avenue sa Barangay Malinao ng lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad lumalabas na isang complainant na nag-a-apply ng business permit sa Pasig City Hall ang naging biktima ng extortion try.
Empleyado ng Pasig City Hall na sangkot sa robbery-extortion, naaresto sa isinagawang entrapment operation ng mga pulis sa isang fast food chain sa bahagi ng Caruncho Ave., Brgy. Malinao, Pasig City. | via @luisitosantos03 pic.twitter.com/dotLHxYk56
— DZBB Super Radyo (@dzbb) July 3, 2022
Nag-a-apply umano ang complainant sa Office of the Building Official at dahil kulang ang mga dokumento na dala ng biktima, nilapitan siya ng suspek na nagpakilalang empleyado ng Business Permit and Licensing Office.
Inalok umano ang complainant ng mabilis na pagproseso ng tansaksyon at gayon din sa aplikasyon ng business permit, occupancy permit, electrical installation permit, at iba pang kailangang mga permit kapalit ng P600,000.
Dahil dito, nagsumbong ang complainant sa mga pulis, na agad namang nagkasa ng entrapment operation at doon na naaresto ang suspek at ang kasabwat nito.
Nasa kustodiya na ng mga pulis ang suspek na nahaharap sa reklamong robbery-extortion at paglabag sa RA 9485 o Anti-Red Tape Act, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at Code of Ethical Standard of Public Employee. —LBG, GMA News