Ipinagpatuloy ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang libreng sakay sa EDSA Bus Carousel. Sa Metro Manila, mga estudyante na lang ang may libreng sakay sa mga tren tulad ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT3).

Ayon sa Department of Transportation nitong Biyernes, magpapatuloy hanggang December 2022 ang libreng sakay sa EDSA Carousel bus.

Samantalang libre naman ang mga estudyante sa pagsakay sa mga tren ng Philippine National Railways, Metro Rail Transit Line 3 (MRT3), at Light Rail Transit Line 2 (LRT2) mula sa August 22 hanggang November 4, 2022.

Ayon sa DOTr, ikinonsidera sa naturang desisyon ang pagkakaroon ng pondo para sa Service Contracting sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act para sa extension ng free bus rides.

Inaasahan na makatutulong ang naturang hakbang para mabawasan ang pasanin ng mga Pinoy sa tumataas na halaga ng mga bilihin, “and help them save money, especially with the return of face-to-face classes after more than two years.”

Ipinaliwanag naman ng DOTr na pinayagang mailibre sa pasahe mga estudyante sa MRT3, LRT2, at PNR, "in consideration of the students’ welfare, whose learning outcomes have been disproportionately affected by the pandemic.”

Idinagdag din ng DOTr na "heavily subsidized" na ang pasahe sa EDSA railway line kaya hindi na ito ginawang libre para sa lahat.—FRJ, GMA News