Sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano na maghahain siya ng panukalang batas para sa one-time cash aid na P10,000 sa bawat pamilyang Filipino.
Inihayag ito ni Cayetano sa oath-taking ceremony ng mga halal na lokal na opisyal ng Taguig City.
Gayunman, nilinaw niya ang “10K Ayuda” Bill ay kailangan ng aksyon hindi lang sa Senado, kundi maging sa Kamara de Representantes at Malacañang.
“Sa mga nagba-bash sa 10k ayuda, kung kaya ko lang silang bigyan ng tig-sampung libo, binigay ko na sa kanila. Pero sa katotohanan ito’y isang legislative proposal,” paliwanag ni Cayetano.
“So ang hinihingi ko po doon sa mga tumutuligsa sa programang Sampung Libong (Pag-asa) during the pandemic, tumulong na lang kayo,” dagdag niya.
Hiniling ni Cayetano kina Taguig-Pateros Rep. Ricardo ‘Ading’ Cruz Jr. at Taguig 2nd District Rep. Maria Amparo "Pammy" Zamora, na maghain ng counterpart bill sa Kamara.
“Today may I take the opportunity to ask that two of my pet bills, ‘yung moral uprightness at y’ung sampung libong ayuda, ay i-file din ng ating partner sa Kongreso ni Congresswoman Pammy at Congressman Ading para sabay po lumarga ang ating mga pet bills,” sabi ni Cayetano.
Noong kongresista pa si Cayetano ng Taguig, naghain siya ng House version ng panukala noong February 2021 pero hindi naisama sa Bayanihan 3 package.
Itinatag din niya ang “Sampung Libong Pag-asa” program noong May 2021 pero natigil noong February 7, 2022, dahil sa patakaran ng Commission on Elections sa pagtakbo sa halalan. —FRJ, GMA News