Arestado ang isang lalaking sangkot umano sa serye ng pagho-holdup ng mga pampasahero ng jeepneys sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing sa pang-apat na pagkakataon balik-kulungan si Benjamin Fajardo na sangkot umano sa pangho-holdup sa mga pamgpasaherong jeep sa Quezon Avenue.
Ang huli umano niyang biktima ay isang lalaki. Mabuti na lamang daw may romorondang mga pulis at agad siyang naaresto.
Itinuturo din si Fajardo na siyang nang-holdup sa isang pampasaherong jeep noong June 8 sa Quezon Avenue din.
Dalawang parahero noon ang nakuhanan ng cellphone, kabilang na ang isang call center agent na nakipagbuno pa sa suspek.
Ayon sa mga pulis, modus ng suspek na magpanggap na pasahero, pero kalauna'y magdeklara ng holdup pagdating ng jeep sa madilim na lugar.
Napag-alaman din ng mga pulis na kalalaya lamang noong February 2021 sa pagkakulong ang suspek dahil sa kaso sa iligal na droga.
Sangkot din daw si Fajardo sa iba pang krimen at may standing arrest warrant para sa kanya. —LBG, GMA News