Maghanda sa dagdag na gastusin matapos ianunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) na tataas ang singil nila sa kuryente sa Hunyo sa harap ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon sa Meralco, ang overall rate sa typical household ay tataas ng 39.82 sentimos, para sa P10.4612 per kilowatt-hour (/kWh) na singil, mas mataas sa P10.0630/kWh noong Mayo.
Ang dagdag na singil ay mangangahulugan ng pagtaas ng P80 sa total bill sa isang residential customer na kumukonsumo ng 200 kWh, P119 sa komukonsumo ng 300 kWh, P159 sa 400 kWh consumption, at P199 sa umaabot sa 500 kWh ang konsumo.
Ang overall rate increase ay dulot umano ng mas mataas na generation charge na nadagdagan ng 33.13 sentimos o P6.5590/kWh mula sa dating P6.2277/kWh noong Mayo.
Ang naturang singil mula sa Independent Power Producers (IPPs) at Power Supply Agreements (PSAs) ay tumaas umano ng 60.83 sentimos at 8.59 sentimos per kWh, ayon sa pagkakasunod bunsod umano ng, “higher fuel costs.”
Ayon sa Meralco, tumaas din ang fuel charges mula sa First Gas power plants ng 8% dahil sa mas mahal na liquid fuel bunga ng paghihigpit sa suplay ng Malampaya gas.
Tumaas din ng 23% ang coal prices na nakadagdag sa dahilan para tumaas ang singil ng IPP at PSA.--FRJ, GMA News