Patay ang isang opisyal ng homeowners association, na sangkot umano sa away sa lupa, matapos barilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Old Balara sa Quezon City.
Sa ulat ni Allan Gatus ng Super Radyo dzBB sa Balitanghali nitong Biyernes, mapapanood sa CCTV ng Old Balara ang pagpaslang sa biktima na kinilalang si Bryan Perez, bise-presidente ng homeowners association sa San Rafael ng nasabing barangay.
Bago nito, nakatayo sa tapat ng tindahan ang biktima nang dumating ang isang lalaking nakamotor.
Pagkaraan ng ilang saglit, lumapit ang naka-helmet na lalaki kay Perez at bumunot ng baril.
Pumalya ang baril nang paputukan ang biktima, kaya muli itong ikinasa ng suspek at doon na tinamaan si Perez.
Agad na tumakas ang suspek sakay ng kaniyang motorsiklo matapos ang pamamaril.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang biktima, na naisugod pa sa Diliman Doctors Hospital, pero binawian din ng buhay.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD) na may kinasasangkutang away sa lupa ang biktima. —Jamil Santos/LBG, GMA News