Patay ang isang 33-anyos na konduktor matapos siyang mabundol ng isang bus habang tumatawid sa bus lane sa Cubao, Quezon City nitong Martes ng gabi.

Ayon sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, magre-remit umano ng kita ang biktimang konduktor nang mangyari ang trahediya.

Kuwento ng isang saksi, nakita nilang nakatayo ang biktima hanggang sa makarinig siya nang malakas na kalabog dahil tumawid pala ang biktima at nahagip ng isang bus.

Labis na nadadalamhati ang kaanak sa sinapit ng biktima na kakauwi lang umano mula sa probinsiya at kaagad na sumabak na sa trabaho pagbalik sa Maynila.

Ang biktima lang umano ang inaasahan ng pamilya nito.

Nasa kostudiya naman ng mga awtoridad ang driver ng nakabundol na bus.

Aniya, nagulat na lang siya nang biglang may tumawid sa bus lane at nahagip niya ito kahit pa nakapagpreno siya. --FRJ, GMA News