Patay ang tatlong menor de edad nang ma-trap sa sunog na sumiklab sa kanilang tirahan sa Barangay Tatalon, Quezon City nitong Linggo ng madaling araw.
Nailigtas naman ang kanilang sanggol na kapatid matapos siyang ihagis ng kanilang ama sa bintana at nasalo ng isang kapitbahay, ayon sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB.
JUST IN: Patay ang 3 menor de edad matapos matrap sa sunog sa Brgy. Tatalon, Quezon City @dzbb pic.twitter.com/2r6wo3goMn
— Luisito Santos (@luisitosantos03) May 28, 2022
Sumiklab ang sunog sa three-storey na residential building sa Kaliraya Street ng 4:19 a.m. habang natutulog ang pamilya.
FIRE ALERT: Tatlong menor-de-edad, patay sa nangyaring sunog sa isang residential area sa Kaliraya St., Brgy. Tatalon, Quezon City. | via @luisitosantos03 pic.twitter.com/0pY2wD8aEP
— DZBB Super Radyo (@dzbb) May 28, 2022
Ayon sa ama, nagulat na lang ang kanyang misis nang nagising dahil may usok sa kanilang kuwarto na nasa ikatlong palapag ng gusali.
Pagbukas nila ng pintuan ng kanilang kuwarto ay bumulusok na raw ang apoy at mausok na.
Tumakbo sila at humingi ng tulong, at gumapang ang ama habang bitbit ang sanggol na apat na buwang gulang pa lamang.
Bumaba sila sa ikalawang palapag at inihagis nang ama ang sanggol sa bintana, na nasalo naman ng isang kapitbahay.
Tumalon din mula sa bintanang ito ang ama at ang kanyang misis at ang panganay nilang anak.
Sa kasamaang palad ay na-trap ang tatlo pang bata na nasa ikatlong palapag. Sila ay nasa edad 9, 8, at 4 na taong gulang.
Nagtamo naman ng mga injuries ang ama, ang kanyang misis, at ang panganay na anak.
Wala naman ni isang galos ang sanggol.
WATCH: Ikinuwento ng tatay ng 3 batang namatay sa sunog sa Brgy. Tatalon, Quezon City kung papaano siya nakaligtas. | via @luisitosantos03 pic.twitter.com/1PanjFZTS3
— DZBB Super Radyo (@dzbb) May 28, 2022
Umabot lamang sa unang alarma ang sunog bago ito naapula bandang alas-singko ng umaga.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nahirapan ang mga bumbero dahil makipot ang daan.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng BFP ang posibleng pinagmulan ng sunog, na hinihinalang dulot ng problema sa electrical wiring.
Samantala, naroon na sa pinangyarihan ng insidente ang mga tauhan ng crime laboratory.
LOOK: Dumating na sa pinangyarihan ng sunog sa Brgy. Tatalon, Quezon City ang SOCO para iproseso ang mga labi ng mga namatay sa sunog @dzbb pic.twitter.com/rCnU5Juxb3
— Luisito Santos (@luisitosantos03) May 28, 2022
—KG, GMA News