Nasagip ang isang sanggol na posibleng limang araw pa lamang mula nang isilang matapos itong iwan umano sa bangketa sa Barangay Bangkal, Makati City. Ang babaeng nag-abandona, hinahanap na gamit ang CCTV.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, mapapanood sa isang kuha ng CCTV ng naturang barangay ang babaeng may bitbit sa sanggol pasado 11 a.m. ng Biyernes.
Sa isa namang kuha ng CCTV ng isang gusali, nakikita ang babae na sumilong sa ilalim ng puno sa bangketa.
Maya-maya pa, umupo siya habang karga ang sanggol at tila pinadede niya.
Pero pagkatapos ng mahigit 30 minuto, tumingin-tingin ang babae, saka inilapag ang sanggol at kaswal na naglakad paalis.
Pagkaraan ng anim na minuto, natagpuan ni Mark Andrew Ruiz at iba pang residente ang sanggol.
"'Yung lalaki na kasama ko, 'yung unang nakakita, sabi niya 'Sir mannequin ba ito?' Noong tiningnan ko na, sabi ko 'Hindi, bata 'yan.' Tinapik ko muna kasi akala namin patay na, tahimik lang, hindi umiiyak. Noong nakita kong gumalaw, binuhat ko na agad," sabi ni Ruiz.
Bahagyang natatakpan ng mga sasakyang nakaparada ang sidewalk kaya hindi agad napansin ng mga tao na iniwan ng babae ang sanggol sa lugar.
"Makikita mo naman na maayos talaga 'yung bata. Nakakaawa kasi nakalapag sa sahig eh 12 noon, sobrang init nu'n kaya kinuha ko na siya agad," sabi ni Ruiz.
Ipinagbigay-alam agad ni Ruiz sa mga awtoridad ang tungkol sa natagpuan niyang sanggol.
Sinabi ng mga social worker ng barangay na nasa malinis at maayos na kondisyon ang sanggol.
Nakausap pa ng pulisya ang kalapit na police community precinct ang ina umano ng sanggol.
"Ang sabi ng mother, kaya raw siya nandoon, inaantay daw po niya 'yung asawa niya, nagpapagawa lang daw po ng sasakyan. Hindi nila [napansin] na nawala na 'yung babae," sabi ni Edna Felix, VAWC desk officer.
Dinala ang sanggol sa social development center ng Makati Biyernes ng gabi.
Nagmagandang loob si Police Staff Sergeant Jazmin Danao ng Makati City Police, na bagong panganak din lamang, na padedehin ang sanggol.
"Noong dumede po siya kahit papano pagkatapos nakita ko naka-smile siya. Nakakaiyak," sabi ni Danao.
Susubuking tuntunin ng pulisya ang babaeng nang-iwan sa bata, samantalang nakiusap naman ang mga taga-social services ng Bangkal sa ina ng sanggol na balikan ang bata.
"Hindi namin alam kung ano talaga ang pangyayari o pinagdadaanan niya. Pero nandito na lang po kami para tulungan siya," sabi ni Rebecca Taupa, social services supervisor ng Barangay Bangkal. —Jamil Santos/VBL, GMA News