Sa tulong ng mga rider, nabulilyaso ang tangkang pagdukot ng dalawang lalaki sa isang dalaga na isasakay nila sa kotse sa Las Piñas City. Paliwanag ng mga naarestong suspek, holdap lang ang pakay nila pero duda ang mga awtoridad.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, mapapanood sa CCTV ang pagbaba sa sasakyan ng isang lalaki sa gilid ng kalye sa Barangay Talon Singko nitong Miyerkules ng gabi, at tila may hinihintay.

Nang mapadaan na ang biktima, inakbayan ito ng lalaki at puwersahang hinila papasok sa loob ng sasakyan.

Pero nagpumiglas ang babae at nagsisigaw kaya nakuha ang atensiyon ng ilang rider na lumapit sa kinaroroonan ng biktima. Wala nang nagawa ang suspek kung hindi bumalik sa sasakyan at tumakas.

"'Yung rider sumigaw ng 'Huy!' Tsaka 'yung sigaw din ng babae, ang lakas din kasi, mga tatlong beses ata nagsisisigaw. Sakto kumakain kami rito, tinakbo namin," sabi ng saksi na si Michael Reyes.

"Namumutla eh, sa sobrang, parang nato-trauma siya roon sa nangyari," ayon naman sa isa pang saksi na si Arwin Cadayday.

Nagsagaa ng imbestigasyon ang Las Piñas City Police Station, at nadakip sa follow-up operation ang dalawang suspek nang matunton ang plaka ng kanilang sasakyan nitong Huwebes.

Nakuha rin sa loob ng kotse ang isang baril, mga bala at granada.

Ayon sa suspek na si Leonard Alfaro, ang lalaking nakita sa CCTV video, holdap lang ang kanilang pakay dahil sa kagipitan sa pera.

"Ang akin po, cellphone lang, 'yun lang ang akin. Kahit ano, pera, kaht isang libo lang ayos na po sa akin 'yun," sabi ni Alfaro.

Wala na raw silang ibang masamang balak sa dalaga.

"Ang sabi niya maghahanap lang daw siya ng pera, pinag-drive niya 'yung kotse, sige. Hindi ko naman alam gano'n gagawin niya na mangholdap, maghahanap ng bata," sabi ng isa pang suspek na si George Caragdag Jr.

Ngunit duda ang pulisya na holdap lang ang pakay ng mga suspek sa biktima dahil sa ginawa nilang tangkang pagtangay pa sa babae.

Napag-alaman na nakulong na dati ang dalawang suspek Las Piñas City Police Station matapos masangkot sa kasong may kinalaman sa droga.

Nakatakdang sampahan ng reklamong attempted abduction ang mga suspek. --Jamil Santos/FRJ, GMA News