Sasampahan ng kaso ng Department of Justice (DOJ) ang tatlong tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at apat na pulis kaugnay sa nangyaring "misencounter" sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong 2021 na ikinamatay ng apat katao.
Sa DOJ briefer, kasong homicide ang isasampa laban sa PDEA agents at direct assault charges naman sa mga tauhan ng Philippine National Police .
Pebrero noong 2021, nang magkasagupa ang mga operatiba ng PNP at PDEA sa harapan ng isang fast-food chain sa Commonwealth Avenue. Parehong sinabi ng mga operatiba na mayroon silang lehitimong anti-drug operation sa lugar.
Nagresulta ito sa pagkakasawi ng dalawang pulis, isang PDEA agent, at isang informant.
Ang mga kakasuhan sa PDEA ay sina Khee Maricar Rodas, Jelou Satiniaman, at Jeffrey Baguidudol, dahil sa pagkamatay ni Police Corporal Eric Elvin Gerado.
“After evaluation of the evidence, the Panel of Prosecutors found sufficient evidence to charge respondents PDEA agents Rodas, Baguidudol, and Satiniaman for homicide,” ayon sa DOJ briefer.
Mahaharap naman sa kasong direct assault sina Police Corporal, Paul Christian Ganzeda, Police Corporal Honey Besas, Police Major Sandie Caparroso, at Police Major Melvin Merida.
“With respect to the injuries sustained by PDEA responders, there is sufficient evidence identifying some police officers who actually hit, strike, and maul them,” nakasaad pa sa briefer ng DOJ.
Isasampa ang reklamo sa Quezon City Regional Trial Court.
Ibinasura naman ang dalawang reklamong homicide dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Ayon sa DOJ, ibinasura ang reklamo laban kay PDEA agent Romeo Asuncion dahil hindi natukoy ang baril na ginamit sa pagkamatay ni Police Corporal Lauro De Guzman.
Idinagdag ng DOJ na hindi rin nagtugma ang mga basyo ng bala sa baril ni Asuncion na nakita sa lugar ng engkuwentro.
Ibinasura din ang kaso laban kay Police Corporal Alvin Borja, as “there is also no record showing that Police Corporal Borja was the only one who actually shot at Gano.”
Ibinasura rin ang mga reklamong attempted homicide, falsification of official document, robbery, conniving to or consenting to evasion, arbitrary detention, sedition, at violation of the anti-torture act dahil sa kakulangan ng ebidensiya.—FRJ, GMA News