Inihayag ng Department of Health na mayroon tatlong bagong kaso ng Omicron subvariant BA.2.12.1 sa Pilipinas.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang tatlong bagong kaso ng subvariant ay nasa Western Visayas region.
Sa press briefing, sinabi ng opisyal na isa sa tatlong kaso ay fully vaccinated returning overseas Filipino na naggaling sa United States, habang local cases ang dalawa.
Sa dalawang local cases, isa ang fully vaccinated habang inaalam pa ang impormasyon ng isa pang pasyente.
“Ito pong latest sequencing result, dito po tayo nakapagtalaga nitong tatlo nating bago na subvariant na BA.2.12.1. And we have detected this in Iloilo City,” ani Vergeire.
Dahil dito, 17 na ang kabuuang kaso ng BA.2.12.1 sa Pilipinas.
Sa naturang bilang, 16 ang local cases — dalawa sa National Capital Region, 12 sa Puerto Princesa City, at dalawa sa Western Visayas.
Isang kaso ang ROF na naninirahan sa Western Visayas, ayon sa DOH.
Samantala, sinabi ni Vergeire na ang 39 na close contacts ng dalawang kaso sa NCR ay naka-quarantine at pawang mga asymptomatic.
“So we have a total of 39 close contacts for these two individuals from NCR, mga colleagues nila, mga officemate sila. Sila po ay nai-quarantine. Lahat po sila asymptomatic,” sabi ng opisyal.
“Wala na po tayong iba pang naiko-consider na close contacts nila because as soon as nag-positive po itong mga identified individuals… ‘yung mga close contacts were advised at once,” patuloy niya.
Sa naturang briefing, nilinaw din ni Vergeire na ang local transmission ay iba sa community transmission.
"Hindi pa ho ito community transmission kung saan malawakan na ang pagkalat kung kaya’t hindi na mate-trace ang linkages ng bawat kaso," paliwanag niya.
“Kapag sinabi natin na local transmission, confined siya doon sa area. Hindi pangmalawakan. Compared to community transmission… huge clusters of infection ito,” patuloy ni Vergeire.
Patuloy na pinaalalahanan ng opisyal ang publiko na sumunod pa rin ang minimum public health standards, mgpabakuna at tumanggap na ng booster shots.--FRJ, GMA News