Kahit ang nasa oposisyon, naniniwalang may sapat na bilang na si Leyte Representative at Majority Leader Martin Romualdez, upang maging susunod na Speaker o lider ng Kamara de Representantes.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ntong nagpahayag na ng suporta kay Romualdez ang mga partidong National Unity Party, Nacionalista Party, PDP-Laban, Nationalist People's Coalition, at Hugpong ng Pagbabago.
Dahil dito, sinabi ng miyembro ng oposisyong Liberal Party na si Albay Rep. Edcel Lagman, na sapat na ang naturang puwersa para maging susunod na lider ng Kamara si Romualdez.
Kaya naman para kay Lagman, hindi na dapat lumaban ang kanilang grupo sa minorya sa speakership race.
"Palagay ko tuloy-tuloy na 'yan. Palagay ko rin sa minority huwag nang lumaban sapagkat kitang-kita na ang overwhelming numbers ng majority. Ang kailangan gawin ng minorya ay magpulong at piliin nla kung sino ang lider ng minority," payo ng beteranong kongresista.
Umapela rin si Lagman sa mayorya na hayaan ang minority group na pumili ng kanilang magiging lider. Sa mga nagdaang Kongreso daw kasi, ang sinusuportahan din ng majority ang nagiging minority leader.
Iginiit ni Lagman na mahalaga sa demokrasya ang may tunay at kapani-paniwalang oposisyon.
Si Romualdez ay presidente ng Lakas-CMD na naging partido sa katatapos na halalan ni presumptive vice president Sara Duterte.
Pinsan si Romualdez ni presumptive president Bongbong Marcos. Maging ang magbabalik sa Kamara na si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, nagpahayag na rin ng suporta kay Romualdez bilang speaker.
Samantala nitong Lunes, bumisita kay Romualdez ang mga lider ng NP na pinapangunahan ni presumptive senador Mark Villar.
Kasama ni Mark ang kaniyang kapatid na si Las Pinas Rep, Camilla Villar, Romblon Rep. Jesus Madrona, incoming Iloilo Rep Ferjenel Biron, at incoming Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos (anak ni Bongbong Marcos). --FRJ, GMA News