Nauwi sa komprontasyon at pagbasag ng windshield ang umano'y gitgitan sa kalye ng isang bus at isa pang sasakyan sa Quezon City.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras nitong Lunes, sinabing binabaybay ng pampasaherong bus sa V. Luna Avenue nang makagitgitan nito ang isang utility van.
Umabot ang girian nila hanggang sa traffic light sa Kalayaan Avenue at doon na nangyari ang paghampas ng sakay ng utility vehicle sa windshield ng bus.
“According sa statement niya, tuwing aabante (sila), hinaharangan ng bus hanggang makalagpas siya. Noong nakalagpas siya, nilagpasan din siya hanggang nakaabot sila sa V.Luna,” ayon kay Police Master Sgt. Jun Abugado, Investigator on case ng QC Police Station 10.
Sa video, madidinig ang galit na galit na sakay ng utility vehicle dahil sa ginawang paggigit umano sa kaniya at ikinasira ng kaniyang side mirror.
Pero itinatanggi ng sakay ng bus na nasagi nila ito.
Naghain ng driver ng utility vehicle ng reklamong malicious mischief at physical injury laban sa bus driver.
Tumanggi naman ang driver ng bus na magsalita ay abogado na rin nila ang bahalang magsampa ng reklamo laban sa driver ng utility vehicle.
“Iwasan natin ‘yung masyadong mainit sa kalsada, kung kayang palagpasin, iwasan na. Kung hindi kaya, mas mabuting lumapit sa mga awtoridad,” payo ni Abugado sa mga motorista. --FRJ, GMA News