Nakatakdang magtapyas ng presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa Martes, Mayo 17, 2022.
Sa magkahiwalay na abiso nitong Lunes, inihayag ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Inc. na P3.10 per liter ang mababawas sa presyo ng diesel. Habang P0.40/L lang sa gasolina at P2.10 sa kerosene.
Kaparehong halaga rin ang ipatutupad ng Cleanfuel, maliban sa kerosene na wala sila.
Ipatutupad ang rollback sa ganap ng 6 a.m. sa Martes, Mayo 17, ng mga kompanya ng langis, maliban sa Cleanfuel na isasagawa sa ganap na 8:01 a.m. ang price adjustment sa kapareho ring araw.
Batay sa datos ng Department of Energy (DOE), umaabot na sa P22.00 per liter ang net increase sa gasoline ngayong taon, P34.50 per liter sa diesel, at P29.75 per liter sa kerosene hanggang nitong Mayo 10, 2022. —FRJ, GMA News