Inindorso ng National Unity Party (NUP) si House Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez na maging susunod na Speaker ng Kamara de Representantes sa 19th Congress.
Si Romualdez ang presidente ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), at pinsan ng leading presidential candidate na si dating senador Bongbong Marcos Jr.
βIn a consultation with the NUP Members of the House of Representatives, it was unanimously agreed to endorse Rep. Romualdez as the Speaker for the coming Congress,β ayon kay NUP spokesman Reginald Velasco sa inilabas na pahayag nitong Huwebes.
Sinabi ni Velasco na nakita ng NUP ang mahusay na pamumuno ni Romualdez sa pagiging majority leader sa matatapos na 18th Congress.
Subok na umano na kayang pag-isahin ni Romualdez ang magkakaibang partido, sabi pa ng kongresista.
Inihayag din ni Velasco na kabilang ang NUP sa magiging pinakamalaking political parties sa 19th Congress sa dami ng mga kapartidong nanalong kongresista sa katatapos na halalan.
Matatandaan na kabilang si Romualdez sa tatlong pinagpilian na maging speaker sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Sa huli, napagkasunduan maghati sa termino bilang speaker sina Allan Peter Cayetano at Lord Allan Velasco, habang itinalagang majority leader si Romualdez.
Inaasahan na magiging kandidato rin bilang lider ng Kamara sa 19th Congress si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na muling nanalong kongresista ng Pampanga, at dati na ring naging speaker ng kapulungan.
Si Arroyo ang chairman emeritus ng Lakas party ni Romualdez. β FRJ, GMA News