Inirekomenda ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rey Bulay na sibakin sa puwesto sina Directors James Jimenez at Frances Arabe dahil sa pagkakansela ng kanilang final presidential at vice presidential debates.
Kapuwa nakatalaga sina Jimenez, spokesman ng Comelec, at Arabe, sa media relations at exposure ng komisyon.
Ang pagsibak sa puwesto ng dalawa ay bahagi umano ng isinasagawang imbestigasyon sa nangyaring aberya sa debate para matiyak na magiging patas ang resulta nito.
“To continue the duties of Directors Jimenez and Arabe in the Education and Information Department (EID), it was recommended that temporary replacements be designated,” sabi ni Bulay sa isang pahayag nitong Biyernes.
“Albeit, to prevent disruption in the essential election operations, the elections being a few days away, Director Jimenez and Arabe were recommended to continue other functions under the supervision of their committee heads,” dagdag ng opisyal.
Ibinigay na umano ang naturang rekomendasyon kay Comelec chairman Saidamen Pangarungan para desisyonan.
Isasagawa sana ang huling debate ng mga kandidato noong April 23 at 24. Pero dahil hindi ito natuloy at iniurong ito sa Abril 30 at May 1.
Binago rin ang format na ginawang panel interview sa halip na debate.
Nangyari ang aberya nang hindi umano makompleto ng Impact Hub Manila, ang private partner ng Comelec sa debate, ang bayad sa Sofitel Garden Plaza na pinagdausan ng mga naunang debate.—FRJ, GMA News