Arestado sa entrapment operation ang isang 40-anyos na lalaki na suspek sa milyon-milyong pisong investment scam na gumagamit ng crypto currency.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nangangako umano ng 20 porsiyentong tubo ang suspek na si Anthony Bersaluna, sa mga mabibiktimang niyang magbibigay ng pera bilang investment.
Ayon kay Police Inspection Glenn Umali, hepe ng Investigation, CIDG-NCR South, nagpapakilala umano ang suspek na gagamitin niya sa trading ang perang ipapasok na puhunan ng mga biktima.
Sa mga unang buwan ay nakapagbibigay umano ng pangakong 20 percent na tubo ang suspek. Pero nang dumami na ang nabiktima, pumalya nang magbayad ang suspek.
Dito na isinagawa ang entrapment operation laban kay Bersaluna, at kasama niyang inaresto ang kaniyang sekretarya.
Ayon kay Umali, nasa 30 na ang nagrereklamo laban sa suspek. Hinikayat ng opisyal ang iba pang nabiktima ni Bersaluna na magsadya sa kanilang tanggapan at magsampa rin ng reklamo.
Paliwanag naman ng suspek, naiipit lang umano ang pera sa Europa at ibibigay niya raw ito sa mga nagpasok ng puhunan kapag nakuha na niya. --FRJ, GMA News