Binawi lahat ng self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa ang mga pahayag niya laban sa nakadetineng senador na si Leila De Lima, tungkol sa pagkakasangkot umano ng huli sa kalakaran ng ilegal na droga.
Sa kaniyang counter-affidavit sa Department of Justice (DOJ) nitong Huwebes, itinanggi ni Espinosa ang sworn statements niya sa nangyaring Senate joint committee hearings noon nang mapatay sa kulungan ang kaniyang ama na si dating Mayor Rolando Espinosa Sr.
Sa naturang testimonya niya sa Senado, idinawit ng nakababatang Espinosa sa kalakaran ng ilegal na droga si De Lima.
Pero sa salaysay niya ngayon sa DOJ, sinabi niya na ginawa niya ang naturang testimonya sa Senado dahil sa pinuwersa at pinagbantaan umano siya ng mga pulis.
“Any and all of his statements given during the Senate hearings, or in the form of sworn written affidavits, against Senator Leila de Lima are not true. He has no dealings with Sen. de Lima and has not given her any money at any given time,” saad ni Espinosa sa kaniyang salaysay.
“Any statement he made against the Senator is false and was the result of pressure, coercion, intimidation and serious threats to his life and family members from the police who instructed him to implicate the Senator into the illegal drug trade,” patuloy nito.
Sa nangyaring pagdinig noong 2016 sa Senado, sinabi ni Espinosa na kasabwat umano si de Lima sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison sa panahon na nakaupo ang senador bilang Justice Secretary sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.
Sinabi pa ni Espinosa na nagbigay siya ng P8 milyon bilang senatorial campaign contribution kay De Lima na tinanggap daw ng dating driver ng mambabatas na si Ronnie Dayan.
Ayon kay Espinosa sa counter-affidavit, wala siyang pagpipilian noon kung hindi mag-imbento ng testimonya laban kay De Lima dahil sa pangamba sa kaniyang buhay at sa kaniyang pamilya.
Aniya, pinaslang ang kaniyang ama noong November 5, 2016 — 18 araw bago ang pagharap niya sa pagdinig ng Senado.
Patuloy ni Espinosa, sinabihan siya na makisama upang hindi sapitin ng kaniyang pamilya ang nangyari sa kaniyang ama.
Sa tatlong kaso na isinampa laban kay De Lima, isa na ang ibinasura ng Muntinlupa court.
Ikinatuwa naman ni Atty. Filibon “Boni” Tacardo, abogado ni De Lima, ang naging testimonya ni Espinosa.
“We hope that other witnesses will also come out and confess how they were intimidated, coerced, and bribed into making false testimonies against the good Senator and if possible, name those who actively participated in coercing them to come up with such ridiculous narratives against the good Senator,” sabi ni Tacardo.—FRJ, GMA News