Nasawi ang isang mag-ina matapos masunog ang pagmamay-ari nilang apartment sa Talon Tres, Las Piñas City madaling-araw nitong Huwebes.
Ang isa sa mga nangungupahan, tinangka pang iligtas ang mag-ina pero hindi na kinaya.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Huwebes, kinilala ang mga biktima na sina Angelita at Steve Sopelanas, na magkatabi na ang mga bangkay nang matagpuan.
Bandang alas-tres ng umaga nang maalarma ang mga residente ng nasabing barangay dahil sa sunog sa apartment compound.
Makikita na nagliliyab ang apoy sa isang video na kuha ng isang residente.
Agad namang umaksyon ang mga bumbero sa insidente.
"Mga 1 o 'clock, kasama ko po sa kusina 'yung anak ng may-ari, wala pa pong kaming napansin na maaaring mag-trigger ng apoy. Tapos patulog na po kami, nagsisigawan na po 'yung mga tao sa labas. Paglabas ko po ng pinto akala ko po 'yung cover lang ng sasakyan 'yung nasusunog. Pero pag-abante ko rito, ang laki na ng sunog sa garahe," sabi ni Niño Bautista, isa sa mga nakatira sa nasunog na apartment.
"'Yung susi ng gate nakuha ko po, nabuksan ko lang 'yung gate pero 'yung padlock hindi na," dagdag ni Bautista.
Nang hindi na makalabas sa gate, nagtungo sina Bautista sa dulo ng bahay, kasama ang iba pang nakatira sa apartment.
Isa-isang itinawid ni Bautista sa bakod ang mga residente, kasama ang mga bata. Nagtamo ng sugat sa paa si Bautista.
Sa kasamaang palad, hindi nakaakyat ng bakod ang may-ari ng apartment at kaniyang 12-anyos na anak.
"'Yung may-ari po pinaaakyat namin ng pader, ayaw po niyang umakyat. Nakatitig lang siya, eh. Tapos 'yung anak niya nasa pader na, pinababa pa niya po ulit. 'Yung apoy, nasa amin na. Pinatakbo [ng may-ari] sa banyo sa likod ang anak," ani Bautista.
Pasado 4 a.m. nang ideklarang fire out ang sunog. Natagpuna na magkatabi sa may banyo ang bangkay ng mag-ina, ayon sa mga bumbero.
Ayon kay SFO2 Rodel Agduyeng, patuloy ang imbestigasyon sa insidente dahil hindi pa matukoy ang pinagmulan ng apoy.
Bandang 6:05 a.m. nang matapos ng SOCO ang pagproseso sa bangkay ng mag-ina, na dadalhin na sa punerarya. —LBG, GMA News