Kumpirmadong nakapasok na sa bansa ang nakahahawang Omicron BA.2.12. Ayon sa Department of Health (DOH), nakita ito sa isang dayuhang turista na nagpunta sa Quezon City at Baguio City.
Batay sa ulat ng surveillance systems ng DOH, ang bagong sublineage na BA.2.12 ay nakita sa 52-anyos na babaeng Finnish na dumating sa bansa mula sa Finland noong Abril 2.
Fully vaccinated ang dayuhan at walang sintomas ng sakit nang dumating sa bansa kaya hindi siya kinailangang ilagay sa quarantine facility, ayon sa DOH.
“The case then traveled to a university in Quezon City and then to Baguio City to conduct seminars. Nine days after her arrival in the country, she experienced mild symptoms such as headache and sore throat,” sabi ng DOH.
“She then tested positive for SARS-CoV-2 via Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) the next day. Upon detection of this confirmed COVID-19 case, the local epidemiology and surveillance unit (LESU) performed contact tracing,” patuloy ng DOH.
Natukoy ang siyam na asymptomatic close contact ng dayuhan. Dalawa sa kanila ang na-test at negatibo ang resulta.
Nakalabas na ang dayuhan nang matapos niya ang seven-day isolation at nawala na ang sintomas ng sakit.
Nakauwi na rin umano ito sa kaniyang bansa noong Abril 21.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang bagong sublineages BA 2.12 at BA 2.12.1 ang kumakalat ngayon sa United States.
Patuloy pa umanong pinag-aaralan ang Omicron sublineages tungkol sa bilis ng pagkahawa at kung gaano kalala ang sakit na puwede nitong idulot sa pasyente.
Pero batay sa mga paunang datos, mayroon itong mataas na transmissibility rate. Gayunman, wala pang patunay na nagdudulot ito ng malalang sakit, ayon sa DOH.
Tiniyak naman ng DOH, na patuloy ang ginagawa nilang pagbabantay tungkol sa bagong mutation ng Omicron.
Sa ngayon, hindi pa umano idinedeklara na bagong variant of interest (VOI) o variant of concern (VOC) ang BA.2.12.
Pero patuloy ang paalala ng DOH sa publiko na mag-ingat at gawin pa rin ang health protocol gaya ng pagsusuot ng face mask, iwasang makipagsiksikan at magpabakuna o booster shot ng kontra-COVID-19. —FRJ, GMA News