Arestado sa Tondo, Maynila ang isang suspek na sangkot umano sa “sangla-tira” condo scam. Ang nabiktima niya, hindi raw bababa sa 40 katao na hiningan niya ng abot sa P100,000 bawat isa.

Sa ulat ni Nikko Waje sa GMA News “Unang Balita” nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na si Jady Tomanglao.

Nagkukunwari umano ang suspek na may-ari ng condominium units na naghahanap ng mapagsasanglaan. Tanging tubig at kuryente lamang ang babayaran ng taong titira sa unit sa loob ng dalawang taon.

Nasa 40 katao ang pumunta sa Manila City hall matapos mahuli ang suspek. Hiningan daw sila ng suspek ng hindi bababa sa tig-P100,000 para makatira sa condo.

Isa sa mga naging biktima ng suspek ay si Teresa Ban-Eg, na sa loob ng walong buwan ay nakalipat sa tatlong unit dahil may mga pumupunta sa kaniyang tinutuluyan at nagpapakilalang tunay na may-ari.

Ayon sa isa sa mga may-ari ng unit na tinirhan ni Ban-Eg, tagahanap ng uupa ng unit niya si Tomanglao, at tagasingil sa renta.

“Kumuha siya ng sakin ng susi para patirahin siya. Ngayon 'di na nagbayad si Jay sa akin kaya pinababa ko. Di namin alam na yung mismong unit ko sinangla na pala,” sabi ng unit owner na si "Aling Dyosa."

Nabiktima rin umano ni Tomanglao ang manager ng condominium building na si Eva Rosa Cabia. Aniya, hindi niya alam na “sangla-tira” pala ang mga umupa sa 17 na units ng kanilang condo.

“Ang ginawa ko po sa lahat ng units kinatok ko na po yung renter. Kinatok ko po sila para malaman ko kung nasaan na yung bayad. ‘Binigay niyo na ba kay Jay (Tomanglao)?’ Ang sabi po ng renters sila po ay sangla-tira,” ani Cabia.

Nadakip ng pulisya si Tomanglao sa isang entrapment operation matapos magreklamo ang isa sa kaniyang naging biktima.

Arestado rin ang kaniyang kasabwat na si Nikko Maderal.

“Ang ginawa po pala niya is hindi sa kaniya yung unit...Nalaman ko yun noong dun na ako nakatira kasi pinadala nila sa akin yung SPA (special power of attorney) at notary of monthly amortization,  nakita ko po na Apple Joy Reyes ang pangalan,” sabi ng biktima.

Itinanggi naman ng suspek ang mga alegasyon at ipinaliwanag na ibabalik niya ang pera ng mga biktima pero hindi niya maibibigay ng buo.

“Wala po akong nilokong tao. Lahat po 'yon binayaran ko yung unit nila sa unit owners. Minsan lang po talaga nade-delay ng konti pero i-settle everything,” giit niya.

Ayon sa pulisya, hindi ito ang unang beses na may naloko sa kaparehong scam sa nasabing building. Tinitingnan nila ngayon kung kasama ba sa parehong grupo ang suspek.

Nasa kostudiya ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong syndicated estafa. --FRJ, GMA News