Isang guro na modus umano ang magpanggap na miyembro ng New People's Army (NPA) para makapangikil sa mga paaralan ang naaresto sa entrapment operation.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing inaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang suspek na si Jake Castro, 26-anyos, isang guro sa Las Piñas.

Nagpapadala umano ng email si Castro sa mga paaralan at pagbabantaan niya na pasasabugin kung hindi magbibigay ng P2 milyon, ayon sa CIDG.

Sa loob ng dalawang araw, nasa 114 na paaralan sa Metro Manila ang nakatanggap umano ng email.

“Kung 'di magbibigay ang mga school na ito, pasasabugin niya yung eskwelahan at merong mga mamamaril na mga suspek dito,” ayon kay Major General Eliseo Cruz, CIDG Director.

Ayon sa CIDG, nakasaad din sa email ang bilin ng suspek na i-video ang paghahanda sa pera. Ilagay sa kahon ang pera at ipadala sa address na nakasaad.

“Kaya malaki yung chance na may magko-comply, may matatakot para i-deliver yung ganung gusto nila,” sabi naman ni Colonel Glen Silvio, regional chief CIDG-NCR.

Isang principal ng paaralan ang humingi ng tulong sa mga awtoridad at ikinasa ang entrapment operation sa suspek.

Nagpanggap na mga tauhan ng paaralan ang mga operatiba na naghatid ng boodle money o perang may halong papel.

Nang maaresto, nakita sa laptop ng suspek ang isang video na makikita ang isang grupo ng mga tauhan ng paaralan na nabiktima ni Castro.

Ipapadala sana kay Castro ang ikinakahon na pera nang araw na maaresto siya. Nakuha rin sa suspek ang isang baril na kalibre 38.

“Gusto ko lang humingi ng tawad sa mga schools na nasendan po ng email,” ani Castro na hindi magawang ipaliwanag kung bakit niya naisip ang naturang modus.

“Di ko nga rin po alam eh. Di ko rin po alam paano nagsimula itong naisip ko,” saad niya.

Mahaharap sa patong-patong na kaso si Castro. --FRJ, GMA News