Nahuli-cam ang ginawang paghataw ng tubo ng isang lalaki sa magpinsang lalaki na bisita ng kaniyang ama sa Tondo, Maynila. Ayon sa mga awtoridad, nagalit ang suspek dahil "bumatak" daw ng droga sa bahay ang dalawang biktima.

Sa ulat ni Mae Bermudez sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente kaninang madaling araw sa Nazareno St., sa Barangay 232, Zone 21 sa Tondo.

Kinilala ang suspek na si Kenneth Caragdag, isang criminology graduate, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng kasama niyang lalaki.

Sa kuha ng CCTV camera sa lugar, makikita si Caragdag at ang kasama na sumugod sa kinatatayuan ng mga magpinsang biktima na kinilala sa pangalang Eric at Jerby.

Parehong dayo lang umano sa lugar ang magpinsan, at bisita sa bahay ng ama ni Caragdag.

Kaagad na hinambalos ni Caragdag ng hawak niyang mahabang tubo ang isa sa mga biktima na natumba sa sementadong kalye.

Ang isa pang biktima, sinuntok naman ng kasama ni Caragdag. Pero nakatikim din siya ng hambalos ng tubo na pilit niyang inaagaw kay Caragdag.

Kinalaunan, may umawat kay Caragdag at hinatak na siya paalis sa lugar.

Ayon kay Bong Boter, barangay team leader, nag-away muna ang mag-amang Caragdag bago nangyari ang pagsugod ng anak sa magpinsang biktima.

Sinasabing nagalit umano ang nakababatang Caragdag at pinaalis nito ng bahay ang mga biktima dahil gumagamit umano ng droga.

Napag-alaman din mula sa barangay na kalalaya lang ng ama ni Caragdag matapos masangkot sa ilegal na droga.

Sumugod naman sa barangay ang asawa ng biktimang si Eric, na napag-alaman na nakulong din noon dahil sa droga.

Hinahanap ngayon ng mga awtoridad ang mag-amang Caragdag. Hindi naman daw pamilyar sa barangay ang lalaking sumuntok sa isang biktima.

Wala pang pahayag ang magpinsan sa nangyaring insidente. --FRJ, GMA News