Bistado ang mala-call center na operasyon ng grupong nagsasagawa ng online panloloko na mga dayuhan ang binibiktima. Ang modus umano ng grupo, pinagsamang love at investment scam.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing sinalakay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Cybercrime Division, ang isang gusali sa Makati kung saan isinagawa ang operasyon ng online panloloko.
Nasa mahigit 100 empleyado na puro babae ang inabutan ng mga awtoridad sa mala-call center na opisina. Ang mga kinukuha umanong empleyado ng grupo, nasa edad 19 hanggang 22.
Ayon sa NBI, sadyang babae ang ginagamit ng grupo dahil tinatarget nilang biktimahin ang mga dayuhang nasa Amerika, United Kingdom, Canada at Europe, na naghahanap ng babae sa mga dating app.
Gumagamit umano ang mga babae ng mga larawan ng mga bagong artista at vlogger upang makuha ang atensiyon ng kanilang bibiktimahin.
Kakaibiganin umano ng mga babae ang kanilang target hanggang sa mahulog ang loob nito at saka aalukin ng investment na may pangakong malaking kita.
Pero ayon sa NBI, wala nang perang babalik pa sa kanilang mabibiktima kapag nagbigay ito ng puhunan.
Tatlong Chinese na sinasabing utak ng mala-2 in 1 scam at nagkukunwaring financial adviser sa mga dayuhang bibiktimahin ang inaresto.
Ayon kay NBI-Cycber Investigation and Assesment Center head Vic Lorenzo, ito ang unang pagkakataon na nakahuli ng malaking operasyon ng modus na pinaghalo pa ng dalawang uri modus na love at investment scam.
Tiniyak naman ni NBI Director Eric Distor na papapanagutin din ang nag-recruit sa mga emplyeado na kinasangkapan ng grupo sa modus.--FRJ, GMA News