Sugatan ang dalawang pulis sa pang-aatake ng isang lalaking nagwawala sa Pandacan, Maynila.
Iniulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Miyerkules ng umanga na nangyari ang pananaksak noon pang Sabado de Gloria sa paligid ng Sto. Niño de Pandacan Parish Church.
Pahayag ng suspek, gusto lang daw niyang agawin ang baril ng pulis para ipangdepensa sa sarili niya.
Aminado umano ang suspek na gumagamit siya ng iligal na droga.
Nagwala umano ang suspek sa simbahan at bigla na lamang umanong inatake ang mga nagpapatrolyang mga pulis at dalawa sa kanila ang nasugatan sa pananaksak ng lalaki gamit ang isang kitchen knife.
Binaril ng mga pulis sa lower extremities ang suspek pero ayaw pa rin umanong paawat at tuloy ang pag-atake sa mga pulis at ibinato pa ang kutsilyo at tumama sa hita ng pangalawang pulis na nasugatan.
Nang makorner, isinugod na sa ospital ang lalaki, at pahayag ng sumuring doktor, mayroong stress disorder ang suspek, ayon sa ulat.
Mahaharap ang lalaki sa reklamong frustrated murder, direct assault at paglabag sa Commission on Elections (Comelec) resolution na nagbabawal ng pagdadala ng bladed weapon sa panahon ng election. —LBG, GMA News