Iminungkahi ng Department of Education (DepEd) na sa Agosto 22, 2022 gawin ang pagbubukas ng School Year 2022-2023. Blended learning pa rin pero daragdagan pa ang mga nagsasagawa ng face-to-face classes.
Sa pulong balitaan nitong Martes, inilatag ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio ang mungkahing school calendar ngayong taon.
Ayon sa DepEd, 11 linggo ang natakda sa bawat quarter ng academic year.
Ang first quarter ay mula August 22 hanggang November 4, 2022; ang second quarter ay mula November 7, 2022 hanggang February 3, 2023; ang ikatlong quarter naman ay mula February 13 hanggang April 28, 2023, at ang huling quarter ay mula May 2 hanggang July 7, 2023.
Magsisimula naman ang Christmas break sa December 19, 2022, at magbabalik ang klase sa January 2, 2023. Itinakda ang mid-year break na mula February 6 hanggang 10, 2023.
Ang end-of-year rites ay gagawin ng mula July 10 hanggang 14, 2023.
Sa “summer,” sinabi ng DepEd na ang remedial, enrichment, o advanced classes ay puwedeng gawin ng mula July 17, 2023 hanggang August 26 to 2023.— FRJ, GMA News