Patay ang isang batang lalaki matapos siyang masagasaan ng tren sa Maynila noong nakaraang Martes. Pero halos isang linggo na matapos nito, wala pa ring kumuha sa bangkay ng bata sa punerarya.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahediya sa riles ng Philippine National Railways (PNR) sa panulukan ng Antipolo at Ipil Streets sa Sta. Cruz, Manila.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumilitaw na nakikipaglaro umano ng batuhan sa ilang bata ang biktima na kinilala sa pangalang "Ahmad," nasa edad siyam hanggang 12.
Ayon sa 11-anyos na si "Ding," na kalaro ng biktima, sinigawan daw niya si Ahmad na may paparating na tren pero tila hindi raw siya nadinig nito hanggang sa masagasaan.
“Niyaya po kami ng pinsan ko po na magbatuhan. Tapos tumigil na po kami dahil may dumaan na tren. Sinigawan ko po siya – Ahmad nandiyan na ang tren. Tapos pag-andar ng tren wala na siya, nasagasaan na siya,” sabi ni Ding.
Nakalagak ang mga labi ng biktima sa Funeraria Cruz pero wala pa ring kumukuha sa kaniya.
Sinasabing bago pa lang sa lugar si Ahmad na naglayas umano sa bahay.
Ayon naman sa vehicular and traffic investigation section, batid na nila ang body number ng bagon o tren ng PNR na nakadisgrasya sa bata. Gayundin ang pangalan ng makinista o nagpapatakbo sa tren.
“Kumukuha kami ng advise ngayon sa legal office ng MPD (Manila Police District) kung ano pwedeng legal ways para makapag-file tayo ng kaso regarding du’n sa nangyari sa bata,” Police Lieutenant Tom Jay Fallar, officer in charge of motor vehicle inspection system.
Nakikipag-ugnayan din umano sila sa pamunuan ng PNR.
“Handa naman daw po silang magbigay ng pinansiyal na tulong sa pamilya, kung saka-sakaling may mag-claim po,” dagdag niya.
Samantala, hindi naman nagbigay ng pahayag ang PNR sa nangyaring insidente.—FRJ, GMA News