Inihayag ni Senate President Vicente Sotto III na planong niyang kausapin si Executive Secretary Salvador Medialdea upang talakayin kung papaano puwedeng isalba ang Sim Card Registration Bill matapos itong ma-veto o ibasura ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Sotto, maaaring baligtarin o i-override ng mga mambabatas ang veto power ni Duterte upang matuloy ang pagsasabatas ng panukalang irehistro ang SIM card.
Kung hindi naman maisasagawa ang pag-override sa veto power, muli na lamang ihahain ng mga mambabatas ang naturang panukala sa susunod na Kongreso.
Pero kung magagawa umanong ma-override ang veto power ng pangulo, maaari na lamang na may maghain ng petisyon sa Korte Suprema para ipadeklarang labag sa Saligang Batas ang probisyon tungkol sa social media na dahilan kaya ibinasura ito ni Duterte.
"I was going to call Executive Secretary Medialdea. I will tell him, the way to go about this is that both Houses of Congress overturn the veto of the President and then the provision that they dislike can be questioned in the [Supreme Court] and ask the Supreme Court to declare it unconstitutional," ang lider ng Senado.
"But then again, the prepaid SIM cards must be registered already because that is part of the law. It will become a law, minus the provision na ayaw ng Malacañang... And we can do it by May 23 if the President agrees with my decision and I am going to call him now to tell him my suggestion," dagdag ni Sotto.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, kailangan ang two-thirds na boto ng dalawang kapulungan ng Kongreso para sapawan ang veto power ng pangulo tungkol sa panukalang batas.
Nitong Biyernes, sinabi ng Malacañang na ibinasura ni Duterte ang nasabing panukala dahil kailangan pa itong pag-aralang mabuti.
Partikular na tinukoy ni presidential spokesperson Martin Andanar ang probisyon tungkol sa pagsasama ng social media na wala umanong sapat na panuntunan na maaaring maging daan para malabag ang karapatan ng publiko.
Ikinalungkot ni Sotto ang naturang pag-veto ni Duterte sa panukala na inaprubahan ng Kongreso dahil makatutulong umano ito para masawata ang mga krimen na ginagamitan ng cellphone tulad ng pambobomba at mga scam.
"Ayos. Tuloy ang mga bombings and blackmail and scams using prepaid sims," reaksiyon ni Sotto sa tweet nang i-veto ni Duterte ang panukala. — FRJ, GMA News