Hindi inirerekomenda ng Department of Health (DOH) sa publiko ang pagpepenitensiya at paghalik sa mga imahen ng santo sa paggunita ng Semana Santa sa susunod na linggo.
Sa pulong balitaan nitong Biyernes, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosarion Vergeire, na maaaring magkaroon ng impeksiyon ang sugat sa penitensiya tulad ng pagpapako sa krus.
“Kung maaari lang po sana na maiiwasan natin ang mga aktibidad kagaya po ng pagpepenitensya sa paraan ng pagpapako sa krus at iba pa upang maiwasan natin ang tetanus at nang pagkakaroon ng sugat at impeksyon,” paliwanag niya.
Nagbabala rin si Vergeire na maaaring pagmulan ng hawakan ng COVID-19 ang paghalik sa mga imahen.
“Iwasan po natin ang paghalik sa santo at santa at iba pang imahen o poon sa ating mga simbahan dahil maaari pong itong maging paraan ng virus transmission,” paalala niya.
Pinayuhan ni Vergeire ang publiko na magsuot ng face mask kapag lumabas sa Semana Santa. Hinikayat din niyang magpaturok ng bakunang kontra-COVID-19 ang mga hindi pa nababakunahan.
Samantala, sinabi ni Police Colonel Jean Fajardo, tagapagsalita ng Philippine National Police, na 54,000 tauhan nila ang ipakakalat sa buong bansa sa Holy Week para magbantay ng seguridad.
“Nakapuwesto na po yung ating mga kapulisan lalung-lalo na po dyan sa mga areas na inaasahan natin na dadagsain ng ating mga kababayan lalo po itong papalapit na Semana Santa,” anang opisyal.
--FRJ, GMA News