Sinabi ni Vaccine Expert Panel chairperson Dr. Nina Gloriani na pinag-aaralan pa ang posibleng pagbibigay ng booster shots laban sa COVID-19 sa mga bata.

Inihayag ito ni Gloriani sa Laging Handa public briefing nitong Biyernes, nang matanong siya tungkol sa second booster shot para sa mga adult.

“May rekomendasyon na po specifically sa elderly, immunocompromised, yung mataas ang exposure at vulnerable sa COVID-19 kasi nag-open tayo,” sabi ni Gloriani patungkol sa booster ng mga nakatatanda.

“Hindi po muna yung mga general population pero meron din pong tinitingnan din naman po yan, at baka kailangan din ng booster sa mga bata, tinitingnan po, ongoing po lahat ‘yan sa ngayon,” patuloy niya.

Noong nakaraang Pebrero, inihayag ng vaccine expert panel na hindi pa nila inirerekomenda ang booster shots sa mga edad 12-17 dahil wala pang pag-aaral na nagpapakita na humihina na ang immunity ng unang bakuna nila.

“Sa ngayon, very recent lang naman na nabigyan sila ng bakuna eh so they should still be protected. Hindi pa. Hindi pa nare-recommend,” naunang sabi ni Gloriani.


—FRJ, GMA News