Muling iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang susuportahang kandidato sa pagka-pangulo sa Eleksyon 2022.

Gayunman sa Talk to the People nitong Martes, inihayag muli ng pangulo ang suporta niya sa kaniyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte, na tumatakbong bise presidente.

“I’m just announcing wala akong kandidato sino man sa pagka-presidente. I remain neutral. Ang akin kasi eh presidente ako tapos magkampi ako ng isa. Magdududa yung [iba na] ginagamit ko yung resources ng gobyerno, magulo na,” paliwanag ng pangulo.

“Kaya nga wala kaming kandidato except of course my daughter. So I have to mention her because she is my daughter ano man ang dynamics namin sa mga party nila, anak ko yan eh so yun," patuloy niya.

Aminado rin si Pangulong Duterte na may sinusuportahan siyang mga kandidato sa pagka-senador pero hindi niya binanggit kung sino ang mga ito.

"Ang isa pati yung mga senador na gusto ko sana ilagay diyan but I am not mentioning any names I’m just trying to avoid politicking baka masabit tayo sa Comelec (Commission on Elections),” lahad pa niya.

Una nang sinabi ni Mayor Sara na umaasa siyang makukuha nila ng kaniyang presidential bet na si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang suporta ng kaniyang ama.

Gayunman, igagalang daw ng alkalde ang ano mang magiging desisyon ng kaniyang ama kung hindi ito mag-endorso ng kandidato. —FRJ, GMA News