Habang patuloy na minamatyagan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang nag-aalburutong Taal Volcano, inihayag ng pinuno ng ahensiya na dapat handa ang bansa sa mga matitinding kalamidad.
Sa isang episode ng The Mangahas Interview, tiniyak ni PHIVOLCS chief Renato Solidum Jr., na handa ang ahensiya sa anumang posibleng senaryo na mangyayari sa isang supervolcano.
“Ang alert level ng mga bulkan ay nakatutok sa pinakamatindi or worst case na istilo ng eruption nya. Ito yung nagbibigay tayo ng statement na Alert Level 5,” ani Solidum.
“Kahit anong alert level may posibilidad ng pagsabog pero maliit lang. Ang binabantayan natin kung lalakas pa. Kasi bawat alert level nag-i-increase tayo ng ipapa-evacuate,” patuloy niya.
Hindi umano katulad ng ibang bulkan na kumakalma matapos ang matinding pagsabog, ang Taal ay kaya umanong maglagay muli ng magma kahit pa pumutok na.
Ito umano ang dahilan kaya nagkakaroon ng aktibidad ang bulkang Taal sa magkakasunod na taon na mula 2020, 2021 at kamakailan lang.
Nitong nakaraang Sabado, inilagay ang Taal sa Alert Level 3 (magmatic unrest) matapos na magkaroon ng "short-lived phreatomagmatic burst” dakong 7:22 a.m.
Nasundan ito ng ng mga phreatomagmatic activity na nagdulot ng pagbuga ng usok na may kasamang volcanic earthquake at infrasound signals.
Nitong Martes, inihayag ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office said na mahigit 5,800 katao ang kinailangang lumikas at iwan ang kani-kanilang bahay.
Ayon kay Solidum, maaaring may maiwan sa mga bahay pero dapat na may nakahanda silang masasakyan sakaling kailangan nilang umalis nang biglaaan.
Dagdag ng opisyal, dapat may long-term plans ang gobyerno para sa posibleng “worst case eruption,” tulad nang nangyaring pagputok ng Taal noong 1965.
“Kailangan magkaroon ng long-term development planning sa paligid ng Taal. Siyempre 'di naman maiiwasan na manirahan pa ang mga tao pero unti-unti kailangan na yung mga actions para mapaghandaan kung totoong may nangyaring malakas ng eruption,” paliwanag niya.
Kasama sa mungkahi ni Solidum sa paghahanda ang iba pang “mega disasters” o mapaminsalang kalamidad tulad ng bagyong Yolanda at Odette.
“Ang nangunguna riyan ang NEDA (National Economic and Development Authority) dahil 'di na management lang ng disaster kundi development planning din. Kailangan magawa at unti-unting maihanda ang local government at residents in the long-term,” anang opisyal.
“Ang kailangan talaga sa buong bansa, handa po tayo sa moderate to maliliit na scale ng hazard or disaster pero ang isang advocacy ko ay maghanda ang Pilipinas sa extreme disasters or mega disasters….kasi hindi lang po local ang kailangan gumanap ng katungkulan pero pati national level. Hindi makakaya ng local government yung pagpaplano, paghahanda at pag-respond sa large-scale or extreme disaster. Yun ang isang kailangan baguhin na framework,” patuloy pa ni Solidum.
--FRJ, GMA News