Sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na sinisingil ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pamilya Marcos tungkol sa kanilang utang sa estate tax.
“BIR is collecting and demand[ing] payment from the Marcos Estate Administrators,” ayon kay Dominguez sa Viber message sa mga mamamahayag nitong Miyerkoles.
“They have not paid,” dagdag niya.
Una rito, inihayag ng BIR sa kanilang sulat sa Aksyon Demokratiko, na nagpadala sila ng written demand letter sa pamilya ng namayapang dating Pangulong Ferdinand Marcos, tungkol sa kanilang utang sa buwis na lumobo na sa P203.819 bilyon.
"BIR did send a written demand to the Marcos heirs on December 02, 2021 regarding their tax liabilities," saad sa sulat ni BIR commissioner Caesar Dulay sa Aksyon Demokratiko.
Ang naturang sulat ay ibinahagi ng Aksyon Demokratiko sa mga mamamahayag.
Una nang itinanggi ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) ang pahayag ng kampo ng mga Marcos camp na pinag-uusapan at hindi pa pinal ang pagtalakay sa naturang utang sa estate tax.
“BIR will continue to consolidate the titles in favor of the government on those properties which have been levied upon,” ani Dominguez.
“The procedure may take time as it involves selling at public auction to convert to cash,” dagdag ng kalihim.
Taong 1997 nang maglabas ng desisyon ng Korte Suprema na nagbabasura sa petisyon na inihain ni dating Senador Ferdinand Marcos Jr., na baliktarin ang naunang pasya ng Court of Appeals tungkol sa naturang kaso.
Noong 1994, nagpasya ang CA na, ”the deficiency assessments for estate and income tax made upon the petitioner and the estate of the deceased President Marcos have already become final and unappealable, and may thus be enforced by the summary remedy of levying upon the properties” ng namayapang si Marcos Sr.
Pero iginiit ng kampo ng mga Marcos na patuloy pa umanong tinatalakay ang mga ari-ariang pinag-uusapan sa kaso.
“Bottomline, Marcos[es] does not take any steps to settle and pay because [of] pending litigation,” ayon kay Dominguez.
Sinabi ng Malacañang na dapat habulin ng BIR ang lahat ng may utang sa buwis sa harap ng usapin sa P203-billion estate tax debt ng mga Marcos.
P23-B estate tax pa lang pinal--PFP
Samantala, sinabi ni Partido Federal ng Pilipinas general counsel George Briones, na ang P23 bilyon na estate tax pa lang na hinahabol sa mga Marcos ang pinal na batay sa pasya ng SC.
"'Yung sinasabi nilang finality, ang final diyan yung assessment ng P23 billion," giit ni Briones sa CNN Philippines.
“Kapag pagmamasdan mo ang balita ngayon parang ang sinasabi na yata yung P23 billion ay naging P203 billion. So, nadagdagan ng P180 billion," patuloy niya.
Lumobo ang naturang utang bunga ng mga penalty dahil sa hindi pagbabayad sa naturang sinisingil ng BIR sa nakalipas na maraming taon.
Si Marcos ay tumatakbong pangulo sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas. —FRJ, GMA News