Nakikipagtulungan na rin ang regional office ng Department of Health (DOH) sa mga awtoridad kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon sa pagkasawi ng isang 13-anyos na binatilyo sa Quezon na naubusan umano ng dugo matapos na magpatuli.
Sa media forum nitong Martes, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi pangkaraniwan na mayroong namamatay nang dahil sa tuli.
“Unang-una, this is not a usual thing that happens. Ito pong nagkakaroon ng mga ganitong insidente kapag nagkakaroon tayo nitong mga operation tuli or these medical missions,” saad niya.
“Kailangan nating imbestigahang maigi ito. Ito ay iniimbestigahan na sa ngayon at ang ating regional office din ng DOH nakikipag-ugnayan na sa ating local government at magkakaroon na po ng investigation regarding this matter,” patuloy ng opisyal.
Batay sa mga naunang ulat, sinabi ng lolo ng biktimang si Angelo Tolentino na nagpatuli ang kaniyang apo sa medical mission na inorganisa ng fraternity group na Scout Royal Brotherhood sa Zaballero, Lucena City.
Pero hindi umano tumigil ang pagdurugo sa tinuli sa bata kaya dinala ang biktima sa ospital noong Marso 21. Pero pumanaw ang binatilyo kinabukasan.
Nakikipag-ugnayan ang pulisya sa Public Attorney's Office sa gagawing pagsasampa ng kaso sa responsable sa sinapit ng biktima.
Pinayuhan naman ni Vergeire na tiyakin na ng lisensiyadong duktor ang magsasagawa ng pagtuli at malinis ang mga gamit.
Nitong Lunes, nagpahayag ng pagdududa kung talagang doktor ang nagtuli sa kaniyang apo.
—FRJ, GMA News