Sugatan ang isang street sweeper matapos ang pagsabog sa isang tindahan ng pizza sa Quezon City, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Lunes.

Naganap ang insidente sa Visayas Avenue pasado 4 a.m. nitong Lunes. Kasunod ng pagsabog ay sunog na umabot sa unang alarma ngunit naapula naman bago mag-5 a.m.

Bahagyang nasunog ang face mask ng biktimang street sweeper na si Sophia Rafa dahil sa pagsabog. Binigyan siya ng paunang lunas para sa first degree burns sa mukha.

"Nagwawalis ako kanina, madilim pa. Tapos pagtapat ko dito may biglang sumabog. Kaya yung face mask ko, ayan, nasunog. Nasa mukha ko ito kanina," kuwento ni Rafa.

Maliban sa tindahan ng pizza ay naapektuhan din ng pagsabog ang ilang homeowners sa likod nito.

Inaalam pa ng mga otoridad ang dahilan ng pagsabog. —KBK, GMA News