Nauwi sa engkuwentro ang isinagawang operation ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa isang gunrunning syndicate na kinabibilangan ng mga dayuhan sa labas ng isang hotel-casino sa Parañaque nitong Huwebes ng gabi.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing isang Vietnamese na kasama ng mga suspek ang nasawi, at isang Chinese national ang nasugatan.
Nakita ang dalawa sa isang sasakyan sa parking area ng isang hotel sa Parañaque. Nangyari ito matapos na makipagbarilan umano ang mga suspek sa mga tauhan ng NBI-Interpol malapit sa isang hotel and casino, at kinalaunan ay nagawang makatakas.
Pagkaraan ng ilang minuto, matunton ang kanilang sasakyan sa ikalawang palapag ng parking area ng naturang hotel. Wala nang buhay ang Vietnamese, habang naisugod naman sa ospital ang kasama niyang Chinese.
"They were able to escape when the gunfight ensued," ayon kay NBI spokesperson Ferdinand Lavin.
Bago nito, dalawang Chinese ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation sa pagbili ng baril sa isang Chinese restaurant sa Pasay.
Naaresto rin sa isang operasyon ang isang Mark Rodel Ocampo, na umano'y lider ng grupo.
"The Filipino is said to be the leader of a gun-running and kidnap-for-ransom group who allegedly kills victims who [don't] pay the ransom money," ayon kay Lavin.
Kumukuha umano ng mga baril ang grupo mula sa mga Filipino criminal group.
Apat na baril ang nakuha ng mga awtoridad sa mga isinagawang operasyon. Kabilang sa nakuha ang baril ng isang NBI agent na nanakaw sa isang "basag-kotse" incident noong nakaraang buwan.
Patuloy na tinutugis ang iba pang miyembro ng grupo.
Naglabas naman ng pahayag ang Solaire Resort sa nangyaring insidente sa labas ng kanilang establisimyento.
"We would like to clarify that the reported incident occurred on March 24 at approximately 11:30 PM was outside the vicinity of Solaire and is not in any way associated with the Solaire property," paliwanag nito.
"This is an isolated case handled by the local authorities," dagdag pa ng Solaire.--FRJ, GMA News