Nadagdagan na umano ang bilang ng mga Pinoy na nangingisda sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal sa bahagi ng Zambales, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Sa isang pahayag, sinabi ng PCG na may nakita silang nasa 45 Filipino boats na nangingisda sa besinidad ng Bajo de Masinloc nang magsagawa sila ng maritime operations mula February 28 hanggang March 5.

Ayon kay PCG commandant Admiral Artemio Abu, ang nasabing bilang ng mga mangingisdang Pinoy sa lugar ay maituturing na positibong balita sa harap ng kanilang layunin na mapaigtingin ang maritime security at safety sa pangisdaan na may layong 124 nautical miles west ng Zambales.

“Seeing more Filipino fishing boats in Bajo de Masinloc is a proof of our intensified efforts to safeguard Filipino fishermen who consider fishing as their primary source of livelihood,” anang opisyal.

Tiniyak ni Abu sa mga mangingisda na patuloy ang isasagawang aktibidad ng PCG sa lugar para mapangalagaan sila.

Namahagi rin umano ang mga tauhan ng BRP Capones (MRRV-4404) ng relief supplies at COVID-19 kits sa mga mangingisda sa pamamagitan ng “Bayanihan sa Karagatan” program.

Ang naturang bahagi ng karagatan na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ay inaangkin ng China.—FRJ, GMA News