Balik na muli sa mabigat na daloy ng trapiko ang mga sasakyan sa EDSA sa ilalim ng Alert Level 1. Kaya pinag-aaralan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang imungkahi na magpatupad ng "daylight saving time" sa National Capital Region (NCR).

Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabi na kabilang ang pagpapatupad ng daylight saving time sa mga natatanggap na rekomendasyon ng MMDA.

"Baka daw po puwede na ang pasok sa gobyerno at yung mga transaksiyon sa gobyerno ay simulan ng 7 o' clock (umaga) at mag-end ng 4 o' clock (sa hapon)," ayon kay MMDA chairman Romando Artes.

"Yan pong isang oras na iyan sa pasok po ng gobyerno ay malaking bagay dahil hindi lamang ang pumapasok sa trabaho sa gobyerno ang apektado niyan kundi pati na rin po yung mga may transaksiyon sa gobyerno," dagdag niya.

Ayon kay Artes, pag-aaralan ng MMDA ang naturang mungkahi.

Batay sa datos ng MMDA, ang daily volume ng mga sasakyan sa EDSA bago magkaroon ng COVID-19 pandemic ay nasa 405,000. Bago ang sunod-sunod na taas-presyo ng produktong petrolyo, nasa 390,000 na umano ang bilang ng mga sasakyan.

Pero bumaba ito sa 370,000 nang magkaroon ng oil price hikes.

Sa kasalukuyan, pinaiiral ang number coding scheme sa EDSA ng mula 5 p.m. hanggang 8 p.m.

Pinag-aaralan din ng MMDA kung ipatutupad na rin ito sa umaga. —FRJ, GMA News