Umabot sa Maynila ang habulan sa pagitan ng mga drug suspek at ng mga awtoridad sa isinasagawang buy-bust operation sa Quezon City.
Iniulat sa "Unang Balita" ni Darlene Cay na mula sa La Loman, Quezon City kung saan isinagawa ang buy-bust operation, umabot ang habulan as Tecson St. sa Sta. Cruz, Manila dakong alas-onse kagabi.
Pahayag ni Police General Remus Medina, Quezon City Police District (QCPD) director: "Nagkaroon ng armed ecounter sa mga suspek."
"Batay sa initial report, nang ma-sense ng mga suspek na authority ang pinagbebentahan nila, nagkahabulan ... maraming nasagasaan ng mga motor. Pinutukan ng mga suspek ang mga operatiba," dagdag niya.
Pagdating sa Tecson St., dali-dali umanong bumaba isang lalaki at isang babae sa sasakyan na hinahabol ng mga pulis.
Nagtangkang tumakas ang dalawa, pero na-corner din sila ng mga pulis sa Calimbas St. sa Sta. Cruz.
Ayon sa isang saksi, nakita niyang may baril ang lalaking tumatakas at ang babaeng kasama ay may sugat sa balikat.
Samantala, kinumpirma naman ng QCPD na isang babae at isang lalaki ang target ng operasyon.
Dinala kaagad ang dalawang suspek sa ospital. Patuloy ang imbestigasyon nga mga pulis sa insidente. —LBG, GMA News