Dahil sa pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo, pinayuhan ni Energy Secretary Alfonso Cusi ang publiko na magtipid sa konsumo ng krudo at bawasan ang pagbiyahe.

“What is our control? Let’s put it this way, what’s in our control as a consumer is conservation. That is in our hands. (We may) lessen our trips,” pahayag ng kalihim sa virtual press briefing nitong Martes.

Paliwanag niya, kung bababa ang pangangailangan sa krudo, mapipilitan ang mga kompanya na langis na i-regulate ang presyo ng kanilang mga produktong petrolyo.

“The demand here in the Philippines must also go down… oil companies, they will be forced to regulate their oil pricing. That's the law of supply and demand. What is within our hands is the efficient use of energy, there I encourage you,” ani Cusi.

Ngayong linggo, nagpatupad ng malakihang oil price increase sa mga produktong petrolyo dahil sa pagtaas ng presyo nito sa world market.

Kasama sa mga idinadahilan na ugat ng oil price hike sa pandaigdigang merkado ang digmaan ng Ukraine at Russia.

Nasa P5.85 per liter ang nadagdag sa presyo ng diesel, habang P3.60 per liter naman sa gasolina, at P4.10 per liter sa kerosene.

Una rito, tiniyak ng Department of Energy (DOE) nitong Lunes na hindi magkakaroon ng problema sa suplay ng fuel products sa Pilipinas. —FRJ, GMA News