Inihayag ng Malacañang nitong Martes na wala pang ibinibigay na utos si Pangulong Rodrigo Duterte para ipatigil ang operasyon ng electronic/online sabong (e-sabong).
Ginawa ni presidential spokesperson Karlo Nograles ang pahayag isang araw matapos sabihin ni Senate President Vicente Sotto III na sumang-ayon umano si Duterte na suspendihin ang operasyon ng e-sabong kasunod ng pagkawala ng nasa 31 sabungero.
Ibinase ni Sotto ang kaniyang anunsyo sa naging pag-uusap nila ni Senador Ronald dela Rosa, na kilalang kaalyado ni Duterte.
"Procedurally, kailangan ng Senate resolution to be sent to PAGCOR. Then PAGCOR [should be the one] to advise the Office of the President with regard to that," paliwanag ni Nograles patungkol sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
"The Resolution [has] yet to reach the PAGCOR or the OP," dagdag pa niya.
Una rito, inaprubahan ng Senate public order and dangerous drugs committee na pinamumunuan ni Dela Rosa, ang resolusyon na hilingin sa PAGCOR to suspendihin ang pag-iisyu ng lisensiya sa mga online sabong operation.
Sa hiwalay na panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni dela Rosa na plano ng senado na ilipat sa Kongreso ang kapangyarihan sa pagbibigay ng lisensiya sa e-sabong na tinawag niyang nakakaadik.
“‘Yun nga ‘yung pinag-uusapan namin na kung puwedeng tanggaling sa PAGCOR ‘yung power to issue licenses at ito ay hahawakan na ng Kongreso through legislative franchise,” anang senador.
“Yung e-sabong is very addictive. Bakit na-adik ‘yung mga tao? Dahil sa frequency. 24/7, walang hinto,” dagdag pa ni dela Rosa.
— FRJ, GMA News