Naitala ngayong Lunes ang 951 na mga bagong kaso ng COVID-19, na pinakamababa ngayong 2022.
Sa datos ng Department of Health, nakasaad na nasa 52,179 ang mga aktibong kaso, o mga pasyenteng ginagamot at nagpapagaling.
Sa naturang bilang ng active cases, 528 ang asymptomatic, 47,157 ang mild, 1,417 ang severe, at 298 ang kritikal ang kondisyon.
Ayon sa DOH, 895 o 94% ng mga bagong kaso ay nangyari sa nakaraang 14 araw o mula February 14 hanggang 27.
Ang pinakamarami nito ay galing umano sa National Capital Region (NCR) (26%), na sinundan ng Region IV-A (15%), at Region VI (10%).
Samantala, 1,717 na pasyente naman ang nadagdag sa mga bagong gumaling. Habang 50 ang mga bagong nasawi.
Ayon sa DOH, 45 sa mga nasawi ay nangyari ngayong taon, habang ang lima ay pumanaw noong June hanggang October ng 2021 dahil sa naatalang encoding ng mga impormasyon sa kanilang sistema.
Nasa 5 percent ang positivity rate ng bansa sa 22,407 na isinagawang COVID-19 tests.
Mayroon umanong limang laboratoryo ang bigong makapagsumite ng datos.
—FRJ, GMA News