Pabor umano ang mga alkalde sa Metro Manila na ilagay na sa pinakamababang Alert Level 1 mula sa kasalukuyang Alert Level 2 ang National Capital Region (NCR) simula sa Marso 1, 2022.

Inihayag ito ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, pinuno ng Metro Manila Council nitong Miyerkules, matapos na magpulong ang mga alkalde sa rehiyon nitong Martes ng gabi.

Sa ilalim ng Alert Level 1, papayagan na ang lahat ng edad sa intrazonal at interzonal travel. Lahat ng establisimyento o mga aktibidad ay papayagan na ring mag-operate, o maging sa full on-site or venue/seating capacity pero dapat sumunod sa itatakdang minimum public health standards.

Sa MMDA Resolution No. 22-06, inihayag ng MMC na bumuti na ang sitwasyon ng COVID-19 sa rehiyon at mataas ang vaccination rate.

“...The Metro Manila Council has taken a uniform and united position to urge the Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases to place the NCR under COVID-19 Alert Level 1 Status starting on 01 March 2022,” saad dito.

Nakahanda at kaya umano ng mga alkalde sa Metro Manila na ipatupad ang itinatakdang health at safety protocols ng IATF sa ilalim ng inirerekomendang Alert Level 1 status.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) officer-in-charge and general manager Romando Artes, na karaniwang ikonukonsidera ng IATF ang rekomendasyon ng MMC.

“Traditionally po, sinusundan namn po o pinagbibigyan naman ng IATF ang kahilingan ng Metro Manila mayors,” pahayag niya.

Ayon pa kay Artes, sa Alert Level 1 ay aalisin na ang karamihan sa restriction sa capacity at travel, at mananatili naman ang pagsusuot ng face mask at social distancing.

Nitong Martes, sinabi ng independent monitoring group na OCTA Research, na nasa 4.9% na lang ang positivity rate sa NCR, pasok sa inirerekomendang hindi hihigit sa 5% ng World Health Organization.—FRJ, GMA News