Nahaharap sa reklamong Acts of Lasciviousness at paglabag Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, ang three-division boxing world champion na si John Riel Casimero. Ang kampo niya, umalma sa paratang.
Ang naturang reklamo ay nangyari umano noong Hunyo 2021 at isang 17-anyos na babae ang sinasabing biktima.
Kinumpirma ng Southern Police District sa GMA News Online ang reklamong inihain laban kay Casimero na inireport sa Taguig City Police Station noong Pebrero 11.
Batay sa nakalap na impormasyon mula sa source, sinabing inimbitahan ng boksingero ang biktima sa kinaroroonan nitong hotel at doon na umano nangyari ang pangmomolestiya.
Sinikap ng GMA News Online na makuha ang panig ni Casimero pero hindi pa siya sumasagot.
Gayunman, sinabi ng kaniyang kapatid at trainer na si Jayson Casimero, na gawa-gawa lang ang reklamo.
Alam din umano nila kung sinong grupo ang nasa likod ng alegasyon. Maglalabas umano ng pahayag ang kanilang abogado tungkol sa naturang usapin.
Nakatakdang labanan ni Casimero, 31-4 na may 21 knockouts, si Paul Butler sa April 22 sa Echo Arena sa Liverpool, United Kingdom.
Kasalukuyang nasa Amerika si Casimero para sa kaniyang training.-JM Siasat/Joviland Rita/FRJ, GMA News