Nababahala na rin ang mga senador sa kaso ng pagkawala ng mga sabungero na umaabot na ang bilang sa mahigit 20.
Ang Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, ang posibleng magsagawa ng imbestigasyon tungkol sa usapin.
“Given the urgency of the issue while the Senate is on regular adjournment , I am planning to conduct an inquiry as part of my committee's oversight function over certain government agencies,” sabi ni Dela Rosa sa text message sa mga mamamahayag nitong Huwebes.
Ang pahayag ay ginawa ni Dela Rosa, makaraang magkomento sina Senador Panfilo Lacson at Senate President Vicente Sotto III, tungkol sa magkakahiwalay na insidente ng pagkawala ng mga tao matapos na magpunta sa ilang sabungan.
Sa lingguhang “Meet the Press” forum, sinabi ng magkatambal sa Eleksyon 2022 na sina Lacson at Sotto, na maaaring isagawa ng Senado ang imbestigasyon sa pangunguna ng committee on public order and dangerous drugs o committee on games and amusement.
“Kung ako ang chairman [ng public order], I think, we should call for a Senate inquiry kasi medyo malala na talaga and hindi natin alam kung ano ang puno’t dulo nito,” ayon kay Lacson, dating hepe ng Philippine National Police.
Sinabi ni Sotto, na si Sen. Lito Lapid, ang namumuno sa committee on games and amusement.
“If necessary, if none of the members of the Senate are…interested, we can always ask the chairman of the committee on games to conduct an investigation or a hearing for that tiyakan imbitahin natin 'yung may mga reklamo,” ayon kay Sotto.
Hanggang nitong Enero 31, 2022, inihayag ng PNP na nasa 26 katao ang iniulat na nawawala matapos na magpunta sa sabungan.
Kabilang sa mga nawawala ay isang buntis at ang kaniyang ka-live in sa Laguna. Mayroon ding mga nawawala sa Bulacan, Rizal at Batangas.
Nitong Miyerkules, napag-alaman sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” na mayroon ding isang lalaki na breeder ng manok at "master agent" o humahawak ng patayaan sa online sabong, ang dinukot sa kaniyang bahay sa Laguna ng mga armadong lalaki noong Agosto 2021, at hindi na muling nakita. —FRJ, GMA News