Isa pang forum o panayam para sa mga presidential aspirant ang hindi madadaluhan ni dating senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.

Inihayag ito ni Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) president Herman Basbaño sa radio interview nitong Huwebes.

Ang naturang presidential forum na nakatakda sa Biyernes ay inorganisa ng KBP.

Ayon kay Basbaño, sinabi ng kampo ni Marcos sa ipinadalang sulat na hindi makakadalo ang dating senador sa forum dahil sa conflict sa schedule.

"May letter naman sila declining the invitation. I think it was because of some conflicts sa schedules nila," sabi ni Basbaño.

Sa hiwalay na pahayag, kinumpirma ni Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos, na hindi makadadalo sa forum ang dating senador.

Nagpasalamat naman ang kampo ni Marcos sa imbitasyon ng KBP.

"We look forward to engaging with similar KBP initiatives in the future," ani Rodriguez.

Noong nakaraang linggo, hindi rin natuloy ang pagsalang ni Marcos sa "Ikaw Na Ba: The Presidential Interview" ng Super Radyo DZBB.

Sinabi ng kampo ni Marcos na nagkaroon umano ng problema sa komunikasyon sa lugar na kinaroroonan ng dating senador.

Bago nito, hindi rin nakasali si Marcos sa "The Jessica Soho's Presidential Interviews."

--FRJ, GMA News