Nabisto ng isang guro ang ilang online group na pinagkakakitaan ang assignments ng mga estudyante. Ang guro, palihim na sumali sa isang grupo.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ng Senior High School at college lecturer na itinago sa pangalang "Dencio," na nagsimula siyang magduda nang hindi maipaliwanag ng kaniyang estudyante ang ginawa nito sa thesis defense.
Dahil na rin sa ibinigay na impormasyon ng isang estudyante, nalaman na hindi ang estudyante ang nagsulat ng thesis.
Kinalaunan, sinabi ni Dencio na umamin din ang naturang estudyante na ibang tao ang nagsulat ng kaniyang theses.
Ipinasulat daw muli ni Dencio ang thesis sa estudyante at pumasa naman.
Pero naulit daw ang insidente na may estudyante na nagbabayad para may magsulat para sa kanila ng assignment.
Dito na nagsimulang tumingin sa social media si Dencio at nakita ang mga online group na nag-aalok ng serbisyo para sa pagsusulat kapalit ng bayad.
Palihim daw na sumali sa isang grupo si Dencio para malaman niya kung sino ang mga estudyante na nagpapagawa ng assignment.
Ayon kay Education Undersecretary Antonio Diosdado San Antonio, ipinaalam na nila sa Facebook ang naturang kalakaran ng online group for-hire.
Walang reaksiyon ang Commission on Higher Education (CHED) sa naturang usapin.
--FRJ, GMA News