Inihayag ng Department of Health nitong Miyerkules na 7,661 ang naitalang mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa. Mas mababa ito sa 9,493 na iniulat nitong Martes.

Ayon sa DOH, 5,806 ng mga bagong kaso ay nangyari noong Enero 20 hanggang Pebrero 2, 2022.

Ang mga pangunahing rehiyon na may mataas na kaso ng hawahan sa nakalipas na dalawang linggo ay Western Visayas (896 o 15%), sunod ang Metro Manila (873 o 15%) at Calabarzon (694 o 12%).

Nasa 160,297 ang mga aktibong kaso o mga pasyenteng ginagamot o nagpapagaling. Mas mababa rin ito sa naitalang 176,053 nitong Martes.

Sa 160,297 na aktibong kaso, 5,575 ang asymptomatic cases, 149,829  ang mild cases, 3,056 ang moderate cases, 1,521 ang severe cases at 316 ang critical cases.

Samantala, 23,392 pasyente naman ang mga bagong gumaling at 43 ang nadagdag sa bilang ng mga pumanaw.

Dalawang laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng kanilang datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).—FRJ, GMA News